Vote Wisely

Home » Post Item » Dapat Bang Bumoto Ng Partylist?

Dapat Bang Bumoto Ng Partylist?

May 18, 2010

Ano nga ba ang partylist system?

Ang partylist system ay binuo para mabigyan ng pagkakataon ang mga tinatawag na marginalized sector ng representasyon sa Kongreso. Ang marginalized sector naman ay ang mga sektor ng lipunan na sinasabing hindi gaano nabibigyan ng pansin. Kaya marginalized kasi nasa margin, kumbaga na gilid gilid lamang.

 

Bakit maraming tao ang nagdududa sa partylist system?

Pinagdududahan ang partylist system dahil na rin sa paglipana ng mga grupong kaduda-duda ang hangarin. Ito yung mga grupong wala namang tunay na plano at lalong walang tunay na kinakatawan na marginalized sector. Isang halimbawa na rito ang nadiskwalipikang grupo noon na nais kumatawan sa mga sabungero. Maituturing ring kaduda duda ang mga grupong kinakatawan ng mga tinatawag na nominee na may kaduda dudang kwalipikasyon at hangarin.

 

Dapat pa ba tayong bumoto ng partylist?

Ang desisyon na iyan ay nasa bawat botante. Ngunit mainam na maliwanagan tayo sa bagay na ito. Gaano man kaduda duda ang nagiging takbo ng partylist system ng bansa, wala tayong magagawa hanggat iyan ay ipinatutupad. Bumoto man tayo o hindi ng partylist group nariyan pa rin iyan. Mainam na lamang siguro ay maging mas mapanuri tayo sa pagpili ng grupong iboboto.

 

Ano ba ang dapat nating suriin para sa pagpili ng ibobotong partylist?

Una na riyan ay ang sektor na nais katawanin ng grupo sa Kongreso. Maituturing nga bang marginalized ang napili nitong sektor? Sa ngayon madaling palabasin na marginalized ang anumang sektor. Maaring tingnan kung ang sektor ba ay talagang wala pang representasyon sa Kongreso. Ang kanilang mga interes ba ay hindi pa naipaglalaban ng mga mambabatas.

Magandang halimbawa diyan ang mga magsasaka at maging ang mga OFW. Sa unang tingin masasabing marginalized sila. Ngunit kung susuriin nating mabuti makikita natin na marami nang mambabatas sa Kongreso na nagsusulong sa kanilang mga interes. Sa ganyang pananaw masasabi nating hindi na marginalized ang mga sektor na iyan.

Makakatulong na isaalang alang na hindi iisa ang kahulugan ng marginalized at mahirap. Ang ibig lamang sabihin ng marginalized sa konteksto ng partylist system ay iyong walang boses sa Kongreso.

Balikan natin ang halimbawa. Wala pa nga bang nagsusulong ng karapatan ng mga OFW at mga magsasaka sa Kongreso? Kung ang sagot mo ay meron na, huwag mo nang iboto ang partylist na kumakatawan sa mga ito.

 

Sabi ng iba dapat ring suriin ang mga nominee?

Tama. Dapat lamang lalo pa sa panahong ito na maraming partylist na binuo para lamang gamitin ng mga tradisyonal na politiko para makapasok sila sa Kongreso.

 

Masalimuot pala ang partylist system. Paano ba kami makakapili?

Iba iba ang pamamaraan ng tao sa pagpili. Isang magandang suhestiyon ay ang pagtutok sa plataporma ng mga partylist. Pansinin ninyo kung ang plataporma ba ay puro pambobola lamang ang laman. Sabi nga ng ilang pilosopo, bilangin daw kung ilang beses nabanggit sa plataporma ang mga salitang “mahirap”, “kahirapan” at iba pang katagang patungkol dito. Kapag mas marami daw senyales na iyan nang walang pakundangang pambobola.

Magandang batayan din ang lebel ng lalim ng mga plataporma. masyado ba itong generalized. Tandaan kung ang partylist ay tila tumutugon sa lahat ng hinahanap ng mga tao malabong tunay na partylist ito na kumakatawan sa isang marginalized sector. Walang tunay na partylist na makakatugon sa lahat ng hinahanap ng tao. Marginalized sector nga ang kanilang kinakatawan kaya dapat ang mga plano rin nila ay limitado lamang sa mga isyung may kinalaman sa napili nilang sektor.

 

Ganun ba yun? Hindi ba dapat matugunan din ng partylist ang lahat ng isyu ng mas nakararami?

Tandaan ang salitang marginalized. Maaari bang matugunan ng isang partylist na kumakatawaan sa mga siyentipiko ang interes ng mga atleta? Dapat hindi kung totoo silang partylist group. Ang tunay na partylist nakatutok sa isang sector na walang boses sa Kongreso.

 

Paano iyung mga grupo ng mga aktibista na hinihinalang konektado sa mga komunista?

Nasa sa inyo iyan kung gusto ninyo silang iboto. Ngunit mabuti sigurong malaman ng lahat na ang mga partylist tulad rin ng ibang mga miyembro ng Kongreso ay nakakatanggap ng pondo mula sa pamahalaan. Papayag ba kayong mapunta ang pondong ito sa mga grupong matagal nang naghahasik ng kaguluhan sa ating bansa?

 

Paano naman yung mga grupong ang pangalan ay nagsisimula sa letrang “A” o numero uno?

May ilang sa mga grupong iyan na maaayos naman. Ngunit hindi maikakaila na marami din diyan ang pekeng partylist. Tiniyak lang nilang makukuha nilang ang mga unang puwesto sa listahan ng mga partylist kaya sinimulan nila ang kanilang mga pangalan sa letrang “A” o numero uno.

 

Ang pinakamainam na gawin ay tumingin din sa mga partylist na nagsisimula ang pangalan sa ibang mga letra. Sa 2013, subukan ninyo tumingin sa letrang “B” noroon ang Bloggers Partylist para sa 2013, salamat po.


Posted by bloggerspartylist at 9:04 am | permalink